Nakakapanlumo ang mga nangyayari sa ating bansa ngayon. Napakaraming mga lugar na nasalanta at taong nasawi. Kalunos-lunos ang mga mamamayang Pilipino naapektuhan ng bagyong Ondoy, lalo na ang mga taga-Marikina, Rizal, Arayat, at iba pang mga lugar na napinsala. Katakot-takot ang iniwan na bakas: mga daan at bahay na puno ng putik, mga bangkay na nakasabit sa mga kable ng kuryente, at mga video ng taong tinatangay ng ilog. Napakaraming kwento ng paghihirap sa balita. Ngunit ang pinakanakaapekto sa akin ay ang kwento ni June Marqueso, isang ama na kinukuha mula sa sira-sirang bahay ang computer na binili niya para sa kanyang anak. Sabi niya'y inutang pa niya ito para lang mairegalo sa anak. Dugo't pawis ang ibinigay niya para sa bagay na iyon, ngunit ngayon? Wala na. Hindi na niya ito mapapakinabangan.
Iniisip ko ngayon kung paano makakabangon ang mga taong ito. Pinasok ang bahay namin ng tubig noon. Wala mang 1 inch ang tubig na pumasok ngunit pagod na pagod kami sa paglilinis. Hanggang sa kusina kasi pumasok iyon. Nabasa din ang mga electric socket at mga AVR. Kung kami nahirapan na noon, paano pa kaya ang iba ngayon? Hindi ko maisip kung paano ko lilinisin ang isang bahay na puno ng putik habang walang tubig at kuryente, kung ako man ang nasa posisyon nila.
May balita pa ngayon na sinasabing may dalawang bagong bagyong paparating sa bansa. Paano na ba iyan?
Napakahirap. Walang pagkain, ni magandang tulugan. Bubong at lamig lamang ang naghihintay.
Sa kabila ng lahat ng ito, ano ang ginagawa ng ibang pulitiko? Nag-uusap tungkol sa eleksyon, ano pa? Ano ba naman iyon? Kung gusto niyo talagang maging mabuting pinuno, bakit hindi niyo sila tulungan? Bakit hindi niyo muna putulin ang mga pag-uusap na iyan tungkol sa pulitika? Anong klaseng logic 'yan?
At tayo namang nasa mga lugar na walang baha. Wala nga ba tayong magagawa? Hindi 'yan totoo. Maaari tayong magdonate ng pera o mga relief goods. Kung hindi naman natin magagawa iyan, ipagdasal na lamang natin ang ating mga kababayan. Dahil kahit sa ganitong panahon, prayer works.
Monday, September 28, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment