Friday, August 28, 2009

Isang araw sa UPD

Sa kalagitnaan ng aking mga panaginip ay narinig ko ang malakas na pagtunog ng CarribeanCruise, ang alarm tone ng aking cellphone. Kaagad akong gumising. Alas sais na ng umaga. Oras na para simulan ang isang Martes sa U.P. Diliman.

Hindi ako kaagad tumatayo. Masarap kaya ang magmuni-muni sa kama bago bumangon. Pagkatapos ng ilang minuto ay tatayo na ako at aayusin ang aking kama. Pagkatapos nito ay bubuksan ko ang aking closet at kukunin ang dapat kunin. Dadalhin ko ang aking tuwalya, damit, at iba pang kailangan sa pagligo. Iiwanan ko ang aking cellphone sa kwarto; delikado na at baka mabasa. Syempre, itatago ko ito. Kung saan iyon, hindi niyo na dapat malaman. (:D)

Pagdating sa banyo, madalas at nakabukas at walang tao ang ikalawang shower room kaya doon ako pupunta. Sa totoo lang, iyon lang ang may gumaganang shower. Yung isa eh hindi ko alam kung ano ang nangyari. Hindi ko pwedeng i-lock ang pintuan dahil wala namang lock. Sira ito. Wala ding pintuan ang banyo kaya open siya buong taon, maliban na lang kung nililinis minsan bawat araw. Ilalagay ko ang aking mga dala-dala sa pintuan, para malaman ng iba na mayroong tao. Isasabit ko naman ang lalagyan ng shampoo, conditioner, sabon, at Cetaphil sa may gripo. Pagkatapos ay malilgo na ako. Laging malamig ang tubig doon at hindi scattered, hindi katulad ng shower sa bahay. Yung doon eh parang isang matabang stream lang ng tubig.

Pagkatapos maligo ay ilalagay ko ang aking maruruming damit sa batya, o kaya naman sa aking malaking, berdeng bag na dinadala ko bawat Biyernes pauwi ng Pampanga. Kukunin ko ang aking asul na baso, kutsara, at tinidor. Pupunta na ako sa dining area para kumain ng agahan. Dadalhin ko na ang cellphone ko. Mahirap na baka manakaw sa kwarto...

Mga 6:15 pa lang ng umaga. Wala pang masyadong tao sa dining area. Iyon nga ang gusto ko, para walang hassle sa pag-upo. Mas gusto ko yung mag-isa lang ako, kaysa sa may kasama ka at parang obligado ka pang hintayin ang mga kasama mo. O kaya naman ay bilisan ang pagkain. Iiwanan ko ang aking mga utensils sa mesang napili at kukunin na ang dining card. Ihuhulog ito sa kahon na may pangalang Girls na isinulat gamit ang crayon. Isa rin sa kagandahan ng pagkain ng maaga ay walang pila. Tuloy-tuloy ka lang sa pagkuha ng tray mo.

Titignan ko muna kung ano ang pagkain. Kung bakit ko ginagawa ito ay hindi ko alam. Wala naman akong magagawa kung tsamporado o puro omelette ang ihain nila sa akin. Hindi pa naman ata nakabukas ang Shopping Center ng ganoong kaaga. Sayang din ang pera kung meron namang pagkain sa dormitoryo.

Sabihin na nating potato and cheese omelette ang agahan. Ngayon naman ay ilarawan mo sa iyong isipan ang itsura ng pagkain na ito. Kung titignan mo ito ng top view ay maaaring apat hanggang limang inches ang haba niya at isa hanggang 1.5 inches naman ang kapal. Kung side view naman ay makikita mong saktong 1 inch lang ang omelette. Mapapansin mo rin na kalahating centimeter lang ang pinakapalaman nito. Ang iba ay puro itlog na lang. Ano bang magagawa ko? Iyon ang niluto ng concessionaire. Nagluluto nga pala sila para magkasya ang budget at malamnan kahit papaano ang tiyan ng mga estudyante. Hindi na bale kung konti lang ang patatas o keso. Basta magkasya sa mahigit kumulang 560 na residente.

Lalagyan ko ng ketchup ang tray para naman medyo masiyahan ako sa lasa ng potato and cheese omelette kuno. Babalik na ako sa aking mesa. Iiwan ko ang tray at kukuha ng tubig mula sa dalawang naglalakihang jug. Hindi ko pupunuin ang baso dahil hindi masarap ang lasa ng tubig, katulad ng tubig sa dispenser na malapit sa opisina ng dorm manager. Di hamak yata na mas maganda pang inumin ang tubig sa gripo namin sa bahay kaysa sa filtered water ng concessionare. Bakit? Lasang swimming pool. Yun lang ang masasabi ko.

Pagkatapos kumuha ng tubig, babalik sa mesa at magdarasal bago kumain. Noong unang linggo ko sa U.P. Inoorasan ko ang sarili ko, kahit na ano pang gawin ko. Hindi ko alam kung bakit ko ginagawa ito. Siguro para malibang lang ako. Kaya naman alam ko na ang minimum time ng pagkain ko ay sampung minuto. Ganun din madalas sa pagligo, pero umaabot din ito ng 15 na minuto, o kung minsan ay 30 pa kung may naunang naligo. Sampung minuto din ang oras ng paglakad ko mula Kalayaan hanggang AS.

Pagkakain ay ibabalik ko ang tray sa kusina at babalik na sa kwarto sa ikalawang palapag. Magsesepilyo na ako at huhugasan ang mga pinagkainan. Pagkatapos nito ay kukunin ko ang aking batya at maglalakad patungo sa laundry room. Madalas, tatlo lang ang laman ng aking batya dahil araw-araw akong naglalaba. Ayaw ko kasi yung bulk. Nakakapagod at walang space para magsampay. Hindi mo rin naman pwedeng ilabas sa may hardin ang linabhan mo. Nakakahiya, ano. At bawal din naman iyon. Siguro ay aabot ito ng sampung minuto rin.

Sa kwarto ko isinasabit ang mga gamit ko, para secured. May kaso daw kasi noon na ninanakaw ang mga underwear sa laundry room. Mabuti na ang mag-ingat sa mga gamit, hindi ba? Ganun din naman ang ginagawa ng roommate ko.

Pagkadating sa kwarto ay isasabit ko nga ang mga gamit. Pagkatapos ay ilalagay ko ang electric fan sa kama at ako nama'y uupo sa harap ng mesa para basahin ang aking Bibliya at Daily Bread. Madalas, 7:00 ng umaga ko ito ginagawa. Kung minsan, mas maaga. Depende sa oras ng paggising ko. Madalas kasi ay gumigising ako ng 5:30 pero kung hindi ako kaagad natulog at Martes o Huwebes naman ang susunod na araw ay 6:00 ako gigising.

Pagkatapos ng aking pagbabasa ay irereview ko ang aking notebook upang tignan kung may requirements akong hindi nasunod. Wala pa naman sa ngayon. Kung may pagsusulit sa araw na iyon, mag-aaral din ako. Kung wala talaga ay magbabasa na lang ako ng libro o kaya ay matutulog ulit, depende sa mood. May isang oras pa naman ako bago lumisan sa dormitoryo. Mga ganitong oras kumakatok ang mga kaibigan ni Laude, ang roommate ko. Kadalasan, ako ang nagbubukas ng pintuan dahil tulog pa siya. 10:00 pa kasi ang klase niya. Hindi naman ako na-iinggit. 5:15 ng hapon natatapos ang klase niya.

8:00, o mas maaga pa, ang oras ng pag-alis ko sa dormitoryo. Iiwan kong nakabukas ang electric fan at nakatutok sa sinampay, upang pagbalik ko ay tuyo na ang mga ito. Magpapaalam ako kay Laude, kung nandiyan siya. Bababa ako sa unang palapag at kukuha ng tubig mula sa dispenser, kahit na karimarimarim ang lasa. Ayaw ko naman ang bumili ng tubig sa labas. Masyadong magastos. (:D) Pagkatapos ay magsi-sign out ako, isang rule na ngayon pa lang na-implement. Katulad ng dorm I.D. na napakalaki. Parang pinapakita talaga sa iba ang pagmumukha mo. Iche­check ng guwardiya ang gamit. Sa totoo lang, bubuksan mo lang ng kaunti ang bag mo. Titignan niya ng kaunti. At pwede ka nang umalis.

Maglalakad ako papuntang Biology Pavilion. Nasa likod ito ng Palma Hall, o mas kilala sa tawag na AS. Sampung minuto o mahigit ang oras ng paglalakad. Pagdating doon ay pawis na ako at medyo pagod. May kainitan na rin kasi sa labas. 8:30 pa magsisimula ang klase ko kaya uupo muna ako sa sahig, sa harap ng Room 4105, para hintayin na lumabas ang mga estudyante ng BIO11. Habang tumatagal, dumadami ang mga estudyanteng naka-upo sa sahig. Marami kasi kami sa klase ng BIO1.

Sa wakas. 8:30 na. Papasok na kami sa loob at uupo sa aming permanent seats. Papasok na ang aming propesor, si Dr. Perry Ong, na dala ang kanyang maliit na laptop. Siya ang magtuturo sa amin sa second half ng 1st semester. Nauna nang nagturo sa amin si Dr. Sonia Jacinto. Nakaka-inip ang naunang mga lecture dahil hindi naglalakad, na katulad ni Dr. Ong, si Dr. Jacinto. Nandoon lang siya sa harap at nagsasalita gamit ang sirang mikropono. Ang gusto ko lang kay Dr. Jacinto ay pinapalabas niya kami sampung minuto bago 10:00. Pinapalabas kami ni Dr. Ong ng saktong 10:00 kaya nahuhuli ako sa susunod kong klase: PE1 sa Vanguard. Kailangan ko pang sumakay ng Ikot jeep para marating iyon. Mga limang minuto din siguro ang biyahe, depende sa drayber. Pagbaba ng jeep, maglalakad pa ako ng kaunti para marating ang gusali. Aakyat din ako sa ikalawang palapag, Room V206. Kadalasan ay nadadatnan ko na si Sir Chino na nagsasalita sa harap. Pero ayos lang ang mahuli. Kinukuha lang niya ang attendance kapag patapos na ang klase.

Wala naman kaming nakakapagod na ginagawa sa PE1. Pinapawisan lang kami dahil walang aircon o electric fan man lang sa kwarto. Puro discussion at lecture lang ang nandoon. Walang adventure. Sa totoo lang, mas gusto ko iyon dahil hindi naman ako sporty na tao. Hindi ko nga alam kung anong PE ang kukunin ko sa susunod na semester. Kung kumuha na lang kaya ako ng Mah jong..?

Pagkatapos ng PE1 ay MBB1 naman sa may Albert Hall. Babalik ako sa jeepney stop at sasakay ulit ng Ikot jeep. Anim na piso lang ang pamasahe sa loob ng campus, kung iikot ka lang. Pero kung lalabas ka ng campus, eh syempre ibang usapan na iyan. Sandali lang ang biyahe kaya hindi naman ako masyadong naiinip, natataranta pa nga at baka lumampas ako.

Maghihintay na naman ako sa labas ng Room 106 dahil 11:30 pa ang klase kay Dr. Monotilla. 11:00 kasi ang natatapos ang PE1. Habang naka-upo, kakain ako ng biskwit, o kahit anong nabili kong pagkain, pantawid gutom. Para kahit papaano ay makapakinig ng mabuti sa lecture tungkol sa biotechnology. Sa totoo lang, hindi naman mahirap ang subject na ito. Alam ko naman na ako lang ang nagpapahirap sa sarili ko. Lumilipad kasi ang isipan ko kapag ganitong oras. Ewan ko ba kung bakit. Siguro hallucination ng isang gutom na tao.

Iba ang setting sa MBB1. Halos lahat ng kaklase ko ay upperclassmen, hindi katulad sa iba na maraming freshman. Isa siguro ito sa nagpapahirap ng subject na ito. Medyo na-iinsecure ako sa kanila. Yung katabi ko ay graduating na at ang course niya ay Physics. Siya ang laging sumasagot sa recitation at pinakamataas sa unang mahabang pagsusulit. Sino ba naman ang hindi ma-insecure doon? Hay naku.

1:00 ang dismissal time namin. Sasakay naman ako ngayon ng Toki jeep para bumalik sa dormitoryo. Matagal kasi kung Ikot ang sasakyan ko. Gaya ng sinasabi ng pangalan niya, lalabas pa siya ng campus bago makarating sa Kalayaan. Sa oras na iyon siguro ay nahimatay na ako sa gutom. Hindi naman. Konti lang.

Mga 1:15 na ako makakarating sa dormitoryo. Check ulit ng gamit at sign in. Pagkatapos ay karipas ang takbo paakyat ng kwarto. Iwan ang bag sa kama, kunin ang baso, kutsara, at tinidor, dalhin ang cellphone, magpalit ng tsinelas, at bumaba papuntang dining area. Kagaya nung umaga, wala nang masyadong tao sa canteen. Madalas kasing kumain ang mga residente tuwing 12:00. Kakaunti na lamang ang kumakain kaya madaling humanap ng mesang walang nakalagay na baso.

Katulad ng sa umaga, ganoon din ang aking gagawin. Iwan ang baso, kuha ng card, ihulog ang card sa kahon, kunin ang tray, kumuha ng sabaw kung nais, balik sa mesa at iwan ang tray, lagyan ng tubig ang baso, magdasal, kumain, ibalik ang tray sa kusina at umalis ng canteen. Ang pinagka-iba lang ay ang mga putaheng niluluto. Kung minsan ay nilagang baboy na nakahiwalay ang sabaw. Mapipilitan ka tuloy kumuha ng bowl dahil dry ang baboy at gulay. Kawawa naman. Magsesepilyo din ako at maghuhugas ng pinagkainan. Pagkatapos ay ilalagay ang mga pinatuyong sinampay sa closet. Ilalagay ko ulit ang electric fan sa kama at magbabasa ng Bibliya.

Depende na sa mga requirements na susundin ang gagawin ko sa natirang oras ng araw na iyon. Kung kailangang magresearch ay pupunta sa Main Library. Kung dapat sumulat ng synopsis ay kukunin ang laptop mula sa closet at magpapatugtog ng mga kanta habang nagtatype. Kadalasan ay nilalagay ko ito sa aking flashdrive upang i-print na lamang sa bahay namin, upang makatipid sa gastos ng pagpapaprint sa Shopping Center. Kung wala namang gagawin ay maglalaro sa laptop, magbasa ng libro, o kaya'y matulog ulit.

Tuwing hapon ng Huwebes, pumupunta ako sa A.S. upang mag-Bible study kasama ng aking discipler, si Ate Alleli. Kadalasan, nasa A.S. lobby kami pero pumupunta din kami sa tambayan ng Campus Crusade for Christ na nasa Vinzon's Hall o kaya naman ay sa ikalawang palapag ng A.S.

Mga bandang 5:30 ng hapon ay kakain na ako ng hapunan. Wala din kasing masyadong tao sa oras na iyon. Hindi na bale kung magutom ng mga 10:00. May pagkain naman ako sa kwarto. Gagawin ko ulit ang proseso na katulad ng sa breakfast at lunch. Iyon nga lang, bago magsepilyo ay iinumin ko ang aking Cecon. Sa tingin ko ay iyon lang ang pagkaka-iba. Pagkatapos maghugas ng pinagkainan ay magbabasa ulit ng Bibliya.

Depende naman sa mood ang gagawin ko sa gabi. Kung minsan ay bumababa ako sa TV Area para makapag-internet kahit sandali lang. Pero medyo hassle iyon dahil kadalasan, wala man akong kalahating oras na nag-iinternet at mamamatay na ang connection sa laptop ko. Hindi ko alam kung chance lang talaga o niloloko lang ako ng internet connection sa dormitoryo. Kung ayaw ko naman bumaba sa TV Area, maglalaro na lang ako sa laptop ko, habang nagpapatugtog ng mga kanta. Kadalasan, naglalaro ako ng Pokemon Emerald o kaya naman ay Harvest Moon gamit ang GameBoy emulator. Kahit papaano ay naalis ang stress ng buhay.

Pagsapit ng 9:00 ay tutunog ang bell. Bedcheck ang ibig sabihin noon. Hindi naman ako nahuhuli dahil lagi naman akong nasa kwarto. Hindi nga ako masyadong lumalabas, maliban na lang kung may dapat puntahan na meeting o kunin na papel sa mga kaklase sa dormitoryo. Pagkatapos magcheck ni Ate Kim ng attendance, maaari na akong matulog. Aayusin ko na ang gamit na kailangan ko sa susunod na araw, magtetext sa mga kaanak sa Pampanga, magdarasal, at matutulog na.

No comments:

Post a Comment