Noong isang araw ko lang naramdaman talaga ang ibang klaseng saya nagmumula sa pagtulong sa ating kapwa. Oo, nakatulong na ako noon pero halos lahat ng iyon ay dahil napipilitan lang ako o dahil sa iba pang mga bagay. Kadalasan kasi ay ayaw nating magbigay sapagkat iyon ang mensaheng ipinapaabot sa atin ng mundo: sa akin lang ang sa akin. Ngunit ang pagtulong na isinusulat ko ngayon ay iyong bukal sa ating puso.
Sa biyaheng pabalik ng Diliman, Quezon City ay bumababa ako ng bus sa tapat ng SM North EDSA. Upang makarating sa sakayan ng jeep ay kailangan ko pang umakyat at tumawid sa footbridge, habang dala-dala ang aking laptop at mga damit. May kabigatan ang mga dala kong ito, mas bumibigat pa tuwing umuulan dahil isang kamay lang ang gamit ko sa pagbuhat ng bag. Siguro ay aabot din sa limang minuto o higit pa ang pagtawid sa footbridge.
Nagkataon naman na naiwan ko ang aking payong sa ikaapat na palapag ng Gusaling Palma noong nakaraang Biyernes. Sakto rin naman at umuulan nang araw na iyon. Ang payong na dala ko ay pagmamay-ari ng aking nakababatang kapatid. Medyo sira-sira na ang mga bakal nito kaya naman, nang hapon na iyon ng ika-pito ng Setyembre 2009, nahirapan akong buksan ito. Malakas din ang hangin, dagdag pa sa pagkasira ng payong.
Tuwing umuulan, may mga batang lalaki at babae na naghihintay sa ibaba ng footbridge. Nagdadala sila ng payong at nagtatanong sa mga dumadaan kung kailangan nila ng payong o kaya ng magbubuhat sa kanilang bitbit na gamit. Kung oo ang sagot, papayungan ng mga bata ang mga ito hanggang sa dulo ng footbridge. Ang mga tao na ang magdidikta ng presyo.
At dahil nga sa nahirapan akong buksan ang payong, may lumapit na bata sa akin at nag-offer na payungan ako hanggang sa sakayan ng jeep. Pumayag naman ako dahil napaka-hopeless ng sitwasyon. Dala-dala ang mga gamit ko, umakyat na ako sa footbridge na kasama ang batang lalaki.
Habang kami ay naglalakad, iniisip ko kung magkano ang ibibigay ko sa kanya. Naisipan kong bigyan siya ng bente. Tinignan ko siya ng sandali at nakita napakapayat niya. Doon ko naalala ang mga cookies na binili ko sa Pampanga dalawang oras ang nakakaraan. Dapat sana'y kakainin ko ito para sumaya naman ako ng kaunti ngunit napagdesisyunan kong ibigay ko sa kanya ito. Naalala ko kasi na marami rin naman akong biskwit sa aking kwarto.
Nang narating na namin ang dulo ng footbridge, kinuha ko ang cookies mula sa aking bag at ibinigay sa kanya, sabay sabi na sa kanya na lang iyon. Hindi nagbago ang mukha niya; tinitignan niya lang ako habang kumukuha ng pera mula sa wallet. Nang maibigay ko na sa kanya iyon at papaalis na, narinig ko siyang tawagan ang kanyang mga kasama na nasa malapit lamang. Pinakita niya ang mga cookies; nakangiti siya. Maaaring medyo corny ito pero nung nakita ko ang ngiti na iyon, nawala ang bigat sa aking puso. Para bang may magic ang maliit na bagay na iyon.
Ganoon nga siguro ang dulot sa atin ng pagtulong sa kapwa. Walang kaparehas ito sa buong mundo. Hindi ito mabibili ng kahit na anumang halaga ng pera, pilak, o maging ginto man. Ika nga, ito ay priceless. Naiintindihan ko na ngayon kung bakit napakaraming tao ang gumagawa ng volunteer work samantalang hindi naman sila sinuswelduhan. Para sa kanila, sapat na ang mga ngiting isinusukli ng mga natulungang kapwa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment